--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang entertainer matapos bumangga ang sinasakyang kolong-kolong sa concrete barrier sa gilid ng daan sa bahagi ng Nagrumbuan, Cauayan City.

Ang tsuper ng kolong-kolong kinilalang si Romnick Cuntapay, 22 anyos, binata construction worker at residente ng Minante Uno.

Ang mga biktima ay itinago sa mga pangalang Angelica, 21 anyos, Apple, 28 anyos, Joren, 21 anyos, Mariel, 21 anyos at isang menor de edad na estudyante.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isa sa mga biktima na si Mariel dahil sa malubhang sugat na tinamo nito sa aksidente.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng pulisya walang headlight ang kolong-kolong kaya hindi napansin ni Cuntapay ang pakurbadang bahagi ng kalsada na naging dahilan ng pagbangga nito sa concrete barrier at pagkahulog sa palayan.

Aminado naman ang tsuper ng kolong-kolong na lango siya ng alak kaya hindi niya nakontrol ang manibela kaya nangyari ang aksidente.

Tumilapon ang mga sakay ng kolong-kolong sa palayan na nagkasugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.

Agad namang rumesponde ang Rescue 922 at dinala sa pagamutan ang mga biktima upang malapatan ng lunas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa tsuper na si Romnick Cuntapay sinabi niya na alas onse ng gabi ay pabalik na umano sa sila sa Cauayan City Airport upang ihatid ang nasabing mga entertainer nang mangyari ang aksidente.

Aniya dahil sa kalasingan ay hindi na niya nakontrol ang manibela at mistulang nakalimutan din niya ang bahaging iyon ng daan kaya dire-diretso ang kanyang mabilis na patakbo.

Sa kasalukuyan ay nasa Cauayan City Police Station ang suspek na haharapin na lamang umano ang kasong isasampa laban sa kanya.

Ang bahagi ng pahayag ni Romnick Cuntapay.