--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasampa ng petisyon ang Federation of Free Farmers at iba pang farmers’ group sa Korte Suprema upang ipanawagan ang pagpapatigil sa pagpapatupad ng Executive Order 62 na nagpapataw ng mas mababang taripa sa imported na bigas at iba pang produkto.

Ito ay dahil hindi umano nasunod ang isinasaad ng Customs Modernization and Tariff Act na kailangan ng public hearing bago magpalabas ng kautusang magpapababa ng taripa sa pamamagitan ng isang Executive Order.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers – Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi niya na labis na nakakabahala ang Executive Order 62 dahil sa bababa mula 35% ay magiging 15% na lamang ang taripa sa imported na bigas.

Hindi anya nangangahulugan na ang 6 to 7 pesos na matitipid ng importers sa mas mababang taripa ay maipapasa sa mga consumer gaya ng naipatupad na tariff reduction noong 2021 kung saan walang naging malaking epekto sa merkado.

--Ads--

Posible ring samantalahin ito ng ibang bansa na lalo pang itaas ang presyo ng bigas kung saan tila wala rin itong magiging pakinabang sa mga importers.

Ayon sa dating kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka, posibleng papalo rin sa 15 billion pesos ang pagkalugi ng pamahalaan sa lower tarriff ngayong 2024 na posibleng makaapekto naman sa mga subsidy at financial assistance na naibibigay sa mga rice farmers.

Pinangagambahan din ng grupo ang posibleng pagbaba ng presyo ng aning palay ng mga magsasaka mula tatlo hanggang apat na piso.