--Ads--

Ramdam na ng ilang tindera ng manok sa lungsod ang epekto ng nagaganap na bird flu outbreak sa lalawigan.

Ayon kay Ginang Heidiliz Marie Lucas, isa sa mga nagtitinda ng manok, isa sa mga pangunahing epekto nito ay ang unti-unting kakulangan ng supply.

Kung dati ay araw-araw ang delivery sa kanilang tindahan, ngayon ay halos isang beses na lamang kada linggo ang dating ng mga delivery sakanila. Bukod pa rito, tumaas din umano ng ₱10-₱15 ang presyo ng manok mula sa kanilang supplier.

Dagdag pa niya, kung magtutuloy-tuloy ang shortage ng supply, malaki rin ang posibilidad na tataas ang presyo ng iba pang poultry products na kanilang ibinebenta. Gayunpaman, nilinaw ni Lucas na sa kasalukuyan ay hindi pa nararamdaman ng mga mamimili ang pagtaas ng presyo.

--Ads--

Tiniyak naman niya na ligtas ang kanilang mga paninda. Aniya, kumpleto sa dokumento at quarantine process ang mga manok na kanilang ibinebenta, kaya makakasiguro ang publiko na hindi apektado ng bird flu ang mga ito.

Habang patuloy na mino-monitor ang sitwasyon, umaasa ang mga tindera na agad na maresolba ang isyu ng supply upang hindi na lumala ang epekto nito sa kanilang kabuhayan at sa presyo ng mga bilihin.