--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumaba na sa moderate ang epidemic risk classification ng Region 2 matapos na bumaba ang naitalang kaso sa nagdaang dalawang linggo.

Matatandaang itinaas sa High Risk Classification ang rehiyon sa nagdaang ilang linggo dahil sa pagtaas ng kaso ng mga nagpositibo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Health Education and Promotion Officer Pauline Keith Atal ng DOH Region 2 sinabi niya na nasa low risk classification na ang lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Santiago City.

Kung ikukumpara aniya ang average daily attack rate at 2 week growth rate ng rehiyon sa nagdaang tatlo hanggang apat na linggo sa nakaraang dalawang linggo ay bumaba na ang naitalang kaso kaya ibinaba na rin ang klasipikasyon maliban sa lunsod ng Cauayan na muling tumaas ang mga kaso sa virus.

--Ads--

Ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit o RESU may binabantayan silang dalawang densely populated na barangay sa Cauayan City na nagkakaroon ngayon ng clustering ng mga kaso dahil sa contacts sa mga household.

Nasa 8.67 ang average daily attack rate ng Cauayan City kaya naiclassify sa High risk.

Mataas man ang naitatalang kaso sa lunsod ay mababa naman ang occupancy rate sa mga ospital dahil mild to moderate symptoms lamang ang mga pasyenteng nagpositibo.

Sa kasalukuyan ang ang healthcare utilization rate ng Rehiyon ay nasa 60.01% at marami pa rin ang available beds sa mga ospital para sa mga magpopositibo.

Ayon kay Atal bumaba man ang kaso ay hindi pa rin dapat magpakampante ang lahat dahil may mga naitatala pa ring nagpopositibo.

Patuloy naman ang DOH Region 2 sa pagpapaigting sa bio-surveillance upang malaman kung ang mga naitatalang kaso ay dahil sa mga variants of concern maging ang pagsasaayos sa mga healthcare facilities at isolation units para sa mga magpopositibo.

Ang bahagi ng pahayag ni Health Education and Promotion Officer Pauline Keith Atal ng DOH Region 2.