Nagbabala si U.S. Secretary of State Marco Rubio sa mga pinuno ng Cuba na “dapat mag-alala” matapos madakip ng Estados Unidos si Venezuelan President Nicolás Maduro sa isang pag-atake noong Sabado.
Sa isang press conference sa Mar-a-Lago resort ni President Donald Trump sa Florida, tinuligsa ni Rubio ang pamumuno sa Cuba na aniya’y pinapatakbo ng “incompetent at senile na mga tao.” Dagdag pa niya, puno ng mga Cuban ang mga guwardiya ni Maduro at maging ang ahensya ng espiya ng Venezuela, kaya’t tila “sinakop” ng isla ang bansa.
Matatandaan na mariin namang kinondena ng Cuba ang pag-atake at pagkakahuli kay Maduro. Ayon kay Cuban Foreign Minister Bruno Rodríguez Parrilla sa social platform X, ito ay “military aggression” laban sa Venezuela at “pagdukot” sa lehitimong pangulo at sa kanyang asawa.
Ayon sa ulat, sinalakay ng U.S. Delta Force ang compound ni Maduro sa Caracas at tatlong iba pang estado, at inaresto siya kasama ang asawa niyang si Cilia Flores. Inihayag ni Trump na sila ay dinala sa USS Iwo Jima patungong New York upang harapin ang mga kaso.
Sinabi ni Attorney General Pam Bondi na kinasuhan ang dalawa sa Southern District of New York ng narco-terrorism conspiracy, cocaine importation conspiracy, at possession of machineguns and destructive devices.
Idineklara din ni US President Trump na pamamahalaan ng U.S. ang Venezuela hanggang sa magkaroon ng “ligtas na transisyon.” Samantala, binatikos ng mga Demokratikong mambabatas ang operasyon bilang iligal dahil walang pahintulot ng Kongreso. Ayon kay Senate Minority Leader Chuck Schumer, bagama’t “illegitimate dictator” si Maduro, ang pagkakahuli sa kanya nang walang awtorisasyon.









