
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang estudiyante matapos na bumangga sa isang puno ng mangga ang minamanehongmotorsiklo sa bahagi ng Cabaruan, Cauayan City.
Kinilala ang biktima na si John Brix De Luna, 19 anyos, working student at residente ng CMP Padilla, Tagaran, Cauayan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, nawalan ng kontrol ang biktima sa minamanehong motorsiklo sa pakurbadang kalsada sanhi upang bumangga sa puno ng mangga.
Ayon sa pulisya nakainom ng alak ang suspek nang mangyari ang aksidente.
Hindi na itinakbo pa sa ospital ang biktima dahil dead on the spot siya dahil sa malalang sugat sa katawan matapos bumangga sa puno at tumilapon sa gilid ng kalsada.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Benedicta De Luna, ang ina ng biktima, sinabi niya na hindi niya akalain na mawawala ang kanyang anak dahil bago ang pangyayari ay naglambing pa sa kanya na hindi naman dating ginagawa at nagbigay pa ng pera.
Aniya dati na niyang pinagsabihan ang kanyang anak na huwag masyadong magmaneho ng mabilis dahil maaring ito ang magdulot ng kanyang kamatayan.
Aniya mabilis talagang magpatakbo ng motorsiklo ang kanyang anak at katunayan ay ilang beses na rin siyang naaksidente.
Ibinenta rin ni Ginang De Luna ang unang motor nito ngunit nagpumilit pa ring bumili.
Ayon pa kay Ginang De Luna, masama rin ang kanyang loob dahil hindi na itinakbo sa ospital ang kanyang matapos mangyari ang aksidente na maaring naisalba pa sana ang kanyang buhay.




