CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang estudyante matapos malunod habang sinasagip ang kanyang mga pinsan sa ilog Chico sa Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Ang biktima ay si Noe Franz Dumaguing, 19 anyos at residente ng nasabing barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nagtungo ang biktima sa ilog kasama ang kanyang mga pinsan at kaibigan upang ipagdiwang ang kaarawan ng isa nilang kaibigan at nagkaroon din sila ng inuman.
Habang naglalangoy sa ilog si Dumaguing ay nakita niya ang mga pinsan na sina Phoeby at Ezekiel na nalulunod at humihingi ng tulong.
Tinawag ng biktima ang kanyang mga kaibigan at nailigtas ang dalawa niyang pinsan ngunit bigla umanong nawala si Dumaguing.
Humingi ng tulong ang grupo mula sa mga residente sa lugar at sa Tabuk City Police Station, Bureau of Fire Protection, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Kalinga na nagsagawa ng search and rescue operation.
Natagpuan ang katawan ng biktima sa ilalim ng tubig at itinakbo ng mga otoridad sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.