CAUAYAN CITY- Nahuli ang isang menor de edad na estudyante matapos pagnakawan ng motorsiklo ang isang kawani ng Gobyerno sa lungsod ng Cauayan.
Ang suspek ay itinago sa alyas na Tian, 16-anyos, Grade 11 student, na residente ng District 1, Cauayan, City habang ang biktima naman ay kinilalang si Alexander Quilang, 46-anyos, kawani ng City Engineering Office, na residente ng Alcabedas, District 1, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pulisya, nakaligtaan na tanggalin ng biktima ang susi ng Honda click 125 na kanyang motorsiklo na ipinarada sa harap ng kanilang bahay.
Nakaugalian na umano ng biktima na iparada sa harap ng kanilang bahay ang motorsiklo tuwing gabi at ito pa lamang ang pagkakataon na nakalimutan niyang tanggalin ang susi.
Kinaumagahan, nang magising ang biktima ay wala na ang kanyang motorsiklo kaya agad itong nag report sa mga opisyal ng barangay at sa mga tanod para magsagawa ng roaming.
Ayon pa sa pulisya, nakita ng mga tanod ang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng daan at hinintay nilang lapitan ito ng suspek.
Nilapitan naman ng suspek ang motorsiklo at akmang aalis na sana nang dali dali siyang hinarang ng mga tanod para arestohin.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang nasabing suspek at hinihintay lamang na ma inquest bago i turn-over sa DSWD.
Batay pa sa PNP Cauayan, ito ang unang beses na nasangkot ang suspek sa nakawan at patuloy na iniimbestigahan kung may mga kasamahan pa ang suspek sa naturang krimen.