CAUAYAN CITY– Dinala sa himpilan ng pulisya ang isang estudyante matapos magbiro na mayrong sasabog na bomba sa kanyang bag habang papasok sa isang malaking mall sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na tinago sa pangalang Carlo, 16 anyos, grade 10, residente ng Naganacan, Cauayan City kanyang sinabi na hindi umano niya alam na bawal ang pagbibiro kaugnay sa bomba.
Ayon sa mag-aaral nagtungo sila sa mall kasama ang kaniyang barkada upang mamasyal at dito isinigaw niya na may bomba sa bag nito habang isinasailalim sa inspection ng nakaduty na guwardiya.
Iginiit ni Carlo na ibinulong umano ng kanyang kaibigan na isa ring 16 anyos na sabihing may bomba sa loob ng kanyang bag bagay na kanya namang ginawa.
Kaagad ipinsakamay ng pamunuan ng mall sa Cauayan City Police Station ang suspek.
Ayon naman sa pulisya hindi naman nagdulot ng pangamba sa mga tao ang pagbibiro ng bomba ng naturang estudyante.
Nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang mag-aaral at ipapatawag ng pulisya ang kanyang mga magulang.
Kaugnay nito muling nagbabala ang pulisya sa publiko na huwag gawing biro ang pagkakaroon ng bomba sa matataong lugar upang hindi matulad sa naturang estudyante.