--Ads--

Nasungkit ng isang Grade 8 Student mula sa Cabatuan, Isabela ang gintong Medalya sa katatapos na International Math Open for Young Achievers o IMOYA 2024 na ginanap sa Singapore.

Ang Gold Medalist ay si Jaycel Altair “Uno” Juan, labintatlong taong gulang at Grade 8 Student mula sa Philippine Yuh Chiau School.

Dahil sa dati nang sumasali si Uno sa mga Math Competitions ay na-invite siya ng Mathematics Training Guild of the Philippines na irepresenta ang Pilipinas sa IMOYA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Uno, sinabi niya na hindi naging madali ang naging paghahanda nito sa kompetisyon dahil hindi sapat ang ginugol nitong panahon sa pagprepara.

--Ads--

Maliban sa kakulangan ng oras sa paghahanda ay naging hamon din sa kanila ang pinansyal na aspeto lalo na at ginanap ang kompetisyon sa Singapore.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Ina ni Uno na si Mace Juan, sinabi niya na may mga pagkakataon pa na lumapit sila sa ilang ahensya ng Gobyerno para sa pinansiyal na suporta at hindi naman umano sila nabigo dahil nagpakita naman ang mga ito ng suporta kay Uno.

Pag-amin niya na may mga pagkakataon na nagigipit na sila sa pera ngunit hindi nila ipinapaalam kay Uno para lamang hindi siya mawalan ng gana na sumabak sa mga kompetisyon na nakakapag-linang sa kaniyang kakayahan.

Dahil sa kagustuhan nilang suportahan ang anak ay isinakripisyo niya ang kaniyang trabaho para lamang matutukan ito.

Kaya naman laking pasasalamat nila nang makasungkit ito ng gintong medalya ang kanyang anak sa IMOYA 2024.

Hinikayat naman ni Uno ang mga kapwa niya estudyante na huwag matakot sa Math Subject bagkus ay I-motivate ang sarili na matutunan ito at mag-enjoy sa Matematika.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagwagi sa international competition si Uno dahil nitong Hulyo lamang ay nag-uwi siya ng Silver Medal sa isang Math Competition sa Vietnam.