--Ads--

CAUAYAN CITY – Humakot ng medalya ang isang estudyante na mula sa Region 2 sa Philippine Superstars Danceport Championship sa Philsports Arena, Pasig City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brainielle Sean Cayaba Bareno, junior dancesport member at estudyante ng Regional Science High School Region 2, sinabi niya na naging inspirasyon niya sa pagkamit niya ng medalya sa dancesport ang kanyang coach at pamilya niyang laging nakasuporta sa kanya.

Nakamit ni Bareno Sa Junior Solo division ang tig-isang bronze medal sa Waltz at Quickstep, habang nakakuha siya ng silver medal sa Tango.

Nakalaban niya sa kompetisyon ang mga pambato ng ibang bansa tulad ng Mongolia, China at Malaysia kaya talagang pinaghandaan niya ito sa pamamagitan ng matinding ensayo.

--Ads--

Aniya, hindi siya nakakuha ng medalya sa una, ikalawa at ikatlong quarter ng kompetisyon.

Ayon sa kanya 12-anyos siya nang magustuhan niya ang dancesport at mas nalinang pa niya ang kaniyang angking talento nang maging miyembro siya ng junior dancesport at naging coach at guro niya si  Lester Madamba sa kanilang paaralan.

Pinasalamatan naman niya ang kanyang pamilya na hindi nagsasawang suportahan ang mga nakahiligan niyang gawain lalo na sa dancesport.

Aniya, saklaw ng dancesport ang paglinang sa disiplina sa sarili at pagiging humble pa rin sa kabila ng pagkamit ng mga medalya sa naturang larangan.

Matapos sa national event ay sumabak naman siya sa nakaraang Isabela Provincial Meet.

Pinayuhan naman niya ang mga kabataan na nakahiligan din ang dancesport na ituloy lang ito at magpursigeng mag-ensayo para mapatunayan sa iba na kaya rin nilang umangat sa kanilang sariling determinasyon at passion sa pagsasayaw.

Tinig ni Brainielle Sean Cayaba Bareno.