--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang estudyante ang nagsauli ng pera na nagkakahalaga ng P30,000 sa Besao Municipal Police Station sa Besao, Mountain Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSSgt. Juanito Lamadrid, Police Non Commission Officer (PNCO) ng Besao Municipal Police Station na ang estudyante na nagdala ng pera sa kanilang himpilan ay si Dan Drave Beyden na Grade-12 student sa Besao National High School.

Siya aniya ay anak ng isang Sangguniang Bayan sa Besao, Mountain Province.

Aniya, galing sa paaralan ang estudyante at naglakad sila pauwi nang napulot nito ang pera.

--Ads--

Agad naman nitong dinala sa himpilan ng pulisya ang pera.

Ayon kay PSSgt. Lamadrid, malapit lamang sa paaralan ang lugar kung saan napulot ang pera na pagmamay-ari ng isang negosyante na residente rin sa naturang bayan.

Ipinarada umano nito ang kanyang sasakyan at pag-alis ay saka lamang niya napansin na wala na ang kanyang pera.

Matapos mapag-alaman na may isinauling pera sa Besao Municipal Police Station ay agad na nagpunta sa kanilang himpilan ang negosyante at ikinwento kung paano nito nawala ang pera.

Nagkausap na rin aniya ang dalawa at nagpasalamat ang may-ari sa binatilyo dahil hindi siya nagdalawang isip na ipasakamay sa pulisya ang napulot nitong pera.

Ayon aniya sa may-ari, ipapambili ng baka ang naturang pera.

Tinig ni PSSgt. Juanito Lamadrid.