--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang estudyante matapos mabisto ng kanyang guro na nag-iingat siya ng umano’y marijuana habang kasalukuyan ang pagsusulit sa kanilang eskwelahan.

Ang nahuli ay si Arjay, labimpitong taong gulang, Grade 11 student, at residente ng Brgy. Victory Norte, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman na habang kasalukuyan ang pagsusulit ng suspek ay napansin ng kanyang guro na siya ay amoy sigarilyo.

Dahil mahigpit na ipinagbabawal sa eskwelahan ang paninigarilyo ay nagdesisyon ang guro na kapkapan ang suspek at siyasatin ang kanyang bag.

--Ads--

Dito na umano nakita ng guro ang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nakaipit sa wallet ng estudyante.

Kaagad namang ipinaalam ng guro ang kanyang nakita sa kanyang mga kasamahan at dito na sila nagdesisyon na humingi ng tulong sa mga pulis.

Nang siyasatin ng mga pulis ang bag ng estudyante ay nakita ang wallet na may nakaipit na hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng humigit kumulang dalawang gramo na nakaipit sa pipe glass at isang lighter.

Depensa naman ng suspek na hindi sa kanya ang wallet at ipinatago lamang sa kanya ito ng kanyang kasamahan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang estudyante kung saan siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa posibleng pinanggalingan ng hinihinalang marijuana na nasamsam sa suspek.