--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang estudyante sa Purok 4, Brgy. Faustino, Cauayan City matapos na malunod sa isang improvised concrete pool.

Ang biktima ay si Joseph John Dela Rosa, 19 anyos , binata, estudyante at residente ng nabanggit na barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nakatanggap ang naturang himpilan ng tawag tungkol sa pagkakalunod ng biktima na nagawa pang isugod sa pagamutan subalit nasawi rin habang ginagamot ng kanyang attending physician.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya napag-alaman na kasama ng biktima ang kanyang teammates at nagkaroon ng inuman sa isang kubo na may improvised pool na pagmamay-ari ni Junior Magno.

--Ads--

Sinabihan umano ng biktima ang kanyang mga kasamahan na pupunta siya sa pool at ilang minuto lamang ang nakalipas ay nagkaroon ng short circuit sa kubo at namatay ang ilaw kaya lumabas sila pumunta sa improvised pool.

Doon na rin nila nakita ang biktima na nalulunod.

Agad siyang iniangat ng kanyang mga kasamahan at nilapatan ng first aide habang hinihintay ang Rescue 922.

Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na namatay siya sa pagkalunod at wala namang senyales na may nangyaring foul play sa insidente.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Junior Magno, sinabi niya na ang pool kung saan nalunod ang biktima ay family pool lamang.

Dahil nanalo sa Jr. Division sa basketball ng entire district ang team ng biktima ay nagkaroon sila ng victory party sa naturang lugar.

Nasa siyam silang pumunta sa lugar at bandang alas una kahapon araw ng Sabado nang magsimula ang kanilang inuman.

Mga alas kuwatro ay pinuntahan pa niya ang lugar para kumustahin ang kanilang kalagayan at wala namang problema sa kanila.

Bandang alas siete nang tawagin siya dahil mayroon nang nalulunod.

Hinala ni Magno na maaring dahil sa kalasingan kaya nalunod ang biktima gayunman ay nasa 4 feet lamang ang lalim ng improvised pool.