--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang estudyante matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na SUV sa kalsada na bahagi ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela.

Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Mark Anthony Bermudez, 23- anyos, binata, estudyante at residente ng Gumbauan, Echague, Isabela.

Wala namang tinamong sugat ang driver ng SUV na si Larry Binuya, 48- anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, Chief of Police ng Echague Police Station napag-alaman na patungong Alicia, Isabela ang SUV habang binabagtas naman ng motorsiklo ang kasalungat na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong sinalpok ng motorsiklo ang SUV habang ito ay papaliko.

--Ads--

Sa lakas nang pagbangga ay halos mawasak ang motorsiklo at ang harapan ng SUV na nagresulta sa malalang pagkasugat ng biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sinubukan pang itakbo sa pagamutan ang estudyante ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Ayon kay PMaj. Natividad, may kadiliman ang lugar kung saan nangyari ang insidente at mabilis din ang takbo ng motorsiklo kaya’t posibleng hindi umano napansin ng biktima ang papalikong SUV.

Wala din umanong suot na helmet ang biktima at nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng SUV.