--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Grade 12 student sa aksidente na kinasasangkutan ng tatlong sasakyan sa Fugu, Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpl. Marcelino Olivar, tagasiyasat ng Jones Police Station na ang mga sangkot na sasakyan ay isang motorsiklo, pick up at forward truck.

Ang pick up ay minaneho ni Rolando Cabasag, 62-anyos, residente ng Calaccab, Angadanan, Isabela habang ang motorsiklo ay minaneho ni Jesrel Saladino, 19-anyos, estudyante, residente ng Salay, San Agustin, Isabela at ang forward truck ay minaneho ni Jaywin Ruma, 27-anyos na taga-Maligaya, Echague, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng tatlong sangkot na sasakyan ang daan at patungo sa timog na direksyon ang pick up at motorsiklo habang nasa kasalungat na direksyon naman ang forward truck.

--Ads--

Ayon kay PCpl. Olivar, nag-overtake ang motorsiklo subalit sumabit sa likuran ng pick up na naging dahilan para siya ay matumba sa daan at mapunta sa kabilang linya.

Nasagasaan siya ng forward truck na paparating at nakaladkad pa ng nasa labinlimang metro.

Aniya, dinala pa sa pagamutan ang biktima subalit doon na binawian ng buhay.

Ang nakikita nilang rason ay posibleng nakita ng biktima na may paparating na sasakyan nang siya ay nag-overtake kaya pinilit niyang bumalik sa kanyang linya subalit sumabit siya sa pick up.

Ayon naman aniya sa mga nakakita ay may kabilisan ang patakbo ng biktima at wala rin siyang suot na helmet.

Ayon pa kay PCpl. Olivar, nagkasundo na ang tatlong panig at napag-usapan na ayusin nalang dahil wala namang may gusto sa pangyayari.

Paalala nila sa mga motorista na laging mag-iingat sa pagmamaneho at sa mga magulang ay huwag hayaan na magmaneho ang kanilang mga anak lalo na kung menor de edad.

Tinig ni PCpl. Marcelino Olivar.