
CAUAYAN CITY – Natagpuang wala ng buhay ang estudyanteng ilang araw ng nawawala sa Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang estudyanteng si Abegail Tan ay natagpuang wala ng buhay sa isang palayan sa Isidro Paredes, Diffun, Quirino.
Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya ang biktima ay nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo na maaaring sanhi ng kanyang kamatayan.
Naaagnas na ang bangkay ng biktima na nakasuot ng violet na palda at puting longsleeves ng matagpuan.
Ang bangkay ng estudyante ay kinilala mismo ng kanyang pamilya.
Samantala, isasailalim sa autopsy ang bangkay ng nasabing estudyante.
Isasagawa ang autopsy sa bangkay ng biktima upang malaman kung posible siyang hinalay bago pinaslang.
Sa ngayon ay labis ang pagdadalamhati ang mga kaanak ni Abegail Tan dahil sa hindi inaasahang pagkasawi ng mag-aaral.
Una nang napaulat na nawawala si Tan noong lunes, February 17 kung saan pasado alas onse ng tanghali ay nagpaalam siya sa kanyang guro para umuwi sa kanilang bahay.
Nakita naman kinabukasan o araw ng Martes, February 18 ang ginagamit ng biktima na motorsiklo sa gilid ng kalsada sa Four Lanes, Malvar, Santiago City.
Sa ngayon ay nagtutulungan ang mga kasapi ng Station 1 ng Santiago City Police Office at Diffun Police Station para sa agarang paglutas sa krimen.










