CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kaso ang isang estudyante matapos pagbantaan at pagnakawan ang dating kasintahan sa Ilagan City.
Ang suspek ay si nathan, 21 anyos at residente ng San Ignacio, sa lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Rafael Pagalilaoan, dumulog sa kanilang himpilan ang isang alyas Nena para isumbong ang pagbabantang kanyang natatanggap mula sa dating kasintahan.
Unang kinuha umano ni Nathan ang kanyang cellphone na naglalaman ng mga maseselang larawan.
Kasabay ang pagkuha ng kanyang cellphone, nagpasya si Nena na tapusin na ang kanilang relasyon.
Hinidi umano pumayag si Nathan at nagbantang i-upload ang kanyang maseselang larawan kung hindi siya pupunta sa kanilang bahay.
Dahil dito ay nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya sa na nagbunga ng pagkakahuli ng suspek.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.




