Nagpasabog ng matinding panimula si Olympic bronze medalist Eumir Marcial sa undercard ng laban nina Manny Pacquiao at Mario Barrios matapos patumbahin ang Amerikanong si Bernard Joseph sa ikatlong round ng kanilang laban sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Tinapos ni Marcial ang laban sa ikatlong round matapos niyang bugbugin si Joseph ng sunod-sunod na malalakas na suntok, kabilang na ang tatlong magkakasunod na kaliwa na tuluyang nagpabagsak sa Amerikano sa ikalawang pagkakataon at naging dahilan ng panalo sa pamamagitan ng technical knockout (TKO).
Nauna nang napabagsak ni Marcial si Joseph sa second round gamit ang isang solidong right hook, na nagsilbing simula ng kanyang dominante at agresibong performance.
Sa panalong ito, pinanatili ng 29-anyos na southpaw ang kanyang malinis na rekord na 6-0, kung saan apat dito ay knockout wins. Samantala, bumagsak naman ang kartada ni Joseph sa 11-2-1, may limang panalo sa knockout.











