Nagpahayag ang mga bansa sa Europa at Japan nitong Huwebes na sila’y makikibahagi sa mga “angkop na hakbang” upang buksan muli ang Strait of Hormuz, matapos ang serye ng palitan ng pag-atake sa mga enerhy plant na lalong nagpalala sa digmaan ng US at Israel laban sa Iran.
Matapos ang pag-ulat ng Qatar ng “malawakang pinsala” sa Ras Laffan Industrial City dahil sa mga missile strike ng Iran bilang tugon sa pambobomba ng Israel sa pangunahing gas field ng Iran, nagdulot ito ng pangamba sa pandaigdigang merkado ng enerhiya. Ang Ras Laffan ay nagpoproseso ng halos ikalimang bahagi ng liquefied natural gas sa buong mundo.
Kasabay nito, inatake rin ang pangunahing daungan ng Saudi Arabia sa Red Sea, na nagsilbing alternatibong ruta ng kanilang mga export matapos isara ng Iran ang Strait of Hormuz — isang chokepoint kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng krudo ng mundo.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng Britain, France, Germany, Italy, Netherlands, at Japan na handa silang gumawa ng paraan upang matiyak ang ligtas na paglalayag sa Strait of Hormuz at makipagtulungan sa ilang bansang producer upang mapataas ang suplay ng enerhiya.
Samantala, iniulat ng QatarEnergy na naapektuhan ang halos ikaanim na bahagi ng kanilang LNG export capacity, na katumbas ng $20 bilyon kada taon, at aabutin ng tatlo hanggang limang taon bago tuluyang maayos.
Dahil dito, tumaas nang halos 4.5% ang presyo ng Brent crude oil futures sa $112, habang ang presyo ng gas sa Europa ay lumundag ng higit 15%. Bumagsak din ang mga stock market sa Japan, South Korea, at Europa, na nagdulot ng pangamba sa mas matagal na presyur sa pandaigdigang ekonomiya.
Sa kabila ng lumalalang tensyon, nanindigan ang US na hindi nagbago ang kanilang layunin sa digmaan, ngunit lumalabas na may pagkakaiba sa estratehiya ng Washington at Tel Aviv.











