Ibinunyag ni Caloocan Representative Edgar Erice na nagtungo umano sa Benguet ang yumaong Public Works Undersecretary na si Maria Catalina Cabral upang maningil ng utang mula sa isang contractor bago ito matagpuang patay dahil umano sa pagkahulog, bagay na muling nagbubukas ng mga tanong sa opisyal na pahayag na nagpakamatay ang dating opisyal.
Ayon kay Erice, ang impormasyon ay nagmula sa isang mapagkakatiwalaang source at lumabas matapos nilang magsumite, kasama ang 10 iba pang mambabatas, ng resolusyon na humihiling sa dalawang komite ng Kamara na imbestigahan ang mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ni Cabral.
Iginiit ng mambabatas na hindi tugma ang suicide narrative, lalo na sa mga detalye kung saan umano nanirahan si Cabral habang nasa Benguet. Bagama’t sinabi ng mga awtoridad na nag-check in ito sa isang hotel, lumitaw umano sa impormasyong nakuha ni Erice na karaniwan itong naninirahan sa isang mansion sa Benguet, lalo na matapos itong magbitiw sa Department of Public Works and Highways.
Kinuwestiyon din ni Erice kung bakit hindi agad na-freeze ang mga bank account ni Cabral sa kabila ng pagkakadawit nito bilang pangunahing personalidad sa umano’y flood control corruption scheme, batay sa pahayag ng dating DPWH Undersecretary na si Roberto Bernardo. May impormasyon din umanong nakakapag-withdraw pa ng pera si Cabral mula sa bangko bago ito nasawi.
Nanawagan si Erice sa mga imbestigador na gamitin ang lahat ng makabagong teknolohiya upang matukoy ang tunay na nangyari, lalo na’t wala umanong CCTV camera sa lugar ng insidente. Aniya, maaaring gamitin ang mga digital mapping at iba pang forensic tools upang ma-reconstruct ang eksaktong pangyayari batay sa oras at lokasyon na tinukoy ng mga awtoridad.
Dagdag pa niya, mahalagang masusing siyasatin ang lahat ng detalye upang mabigyang-linaw ang kaso at matiyak ang pananagutan ng mga posibleng sangkot.











