--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinuwesyon ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naging batayan ng kanyang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil kasong crimes against humanity kaugnay sa war on drugs ng kanyang administrasyon.

Sa video na isinapubliko ni Veronica sa social media, makikita si Dating Pangulong Duterte na nakaupo na tila nasa Villamor Air Base at kinikuwestyon ang batayan sa kanyang pagkakaaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula nang lumapag ito mula sa Hong Kong.

“What is the law and what is the crime that I committed? Explain to me now the legal basis for my being here as apparently I was brought here not of my own volition. It’s somebody else’s,” pahayag ni Dating Pangulong Duterte.

“You have to answer now for the deprivation of liberty… Have you read the case at the time you made the arrest so that you should be guided on what you should know?” dagdag pa niya.

--Ads--

Bago ang pagkakaaresto ni Dating Pangulong Duterte ay una na niyang sinabi sa mga nakalipas na araw na handa niyang harapin ang kanyang warrant of arrest.

“Ang hingin ko na lang sa inyo tutal ganito ang suwerte ko sa buhay, okay lang, tatanggapin ko yan, wala tayong magawa kung ikulong tayo,” pahayag ni Dating Pangulong Duterte sa harap ng mga OFWs sa Hong Kong noong Linggo.

Una nang kinumpirma ng Palasyo ng Malacanang ang pagkakaaresto kay Dating Pangulong Duterte.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kaninang madaling araw nang natanggap ng INTERPOL Manila ang official copy ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

“Ika-9:20 ng umaga ngayong araw, 11 Marso 2025, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang grupo ay dumating sa Maynila mula Hong Kong sakay ng Cathay Pacific CX 907. Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa  krimen laban sa sangkatauhan. Ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doctor ng gobyerno. Sinigurado na siya ay nasa maayos na kalagayan. Ang mga opisyal ng PNP na nagpatupad ng warrant ay tiniyak na may suot na body camera. Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng mga kinauukulan.” pahayag ng PCO.