Pormal nang nilagdaan ni Isabela Governor Rodolfo ‘Rodito’ T. Albano III ang Executive Order No. 06, s. 2026 na nag-uutos sa pagtanggal ng mga pangalan, larawan, at anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno sa lahat ng programa, proyekto, at ari-ariang pinondohan ng pamahalaan sa buong lalawigan. Nilagdaan ang kautusan nitong Pebrero 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito T. Albano, sinabi niyang ang naturang executive order ay alinsunod sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Circular No. 2026-006 o mas kilala bilang “Anti-Epal” policy, na layong isulong ang transparency sa pamahalaan at pigilan ang personal na pagpapapogi o self-promotion ng mga halal at itinalagang opisyal.
Ayon kay Gov. Albano, matagal na niyang nais ipatupad ang ganitong polisiya upang matiyak na ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan ay malinaw na maituturing na serbisyo para sa publiko at hindi para sa pansariling interes ng sinumang opisyal.
Aniya, para sa mga nakapaskil nang pangalan ng mga politiko sa mga ari-ariang pag-aari ng pamahalaan, ang solusyon ay ang pagpipintura o pagbura sa mga ito. Partikular na binanggit ng gobernador ang mga BRO trucks na ipinamahagi ng Provincial Government na may nakalagay na pangalan niya at ni House Speaker Bojie Dy III.
Dagdag pa ni Gov. Albano, nasa mga opisyal na ng barangay ang responsibilidad sa pagtanggal ng mga naturang pangalan sa mga sasakyan at iba pang ari-ariang nasa kanilang nasasakupan, alinsunod sa ipinatutupad na kautusan.





