
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsasagawa ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City sa expansion ng face to-face classes sa mga paaralan sa Lunsod ngCauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superitendent ng SDO Cauayan City, sinabi niya na sa ngayon ay maganda ang takbo ng expansion face to face classes sa 79 na paaralan sa lunsod.
Wala ring naging problema, nabago at wala ring nasuspinde.
Sa katunayan ay nagdaragdag sila ng bilang ng mga mag-aaral at grade level sa bawat paaralan para maranasan ng ibang mag-aaral ang face-to-face classes.
Mula sa kindergarten hanggang grade 3 at grade 11 at 12 na naunang sumailalim sa face-to-face classes, sa ngayon ay lahat ng grade level ay bukas na subalit limitado pa rin ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat silid-aralan.
Limitado rin ang oras na ginugugol ng mga mag-aaral sa paaralan at ang kanilang pagpasok ay hinati sa pang-umaga at pang-hapon.
Tiniyak naman niya na nasusunod ang bilang ng mga mag-aaral na dapat manatili sa loob ng silid-paaralan na 12 hanggang 20 depende sa laki ng classroom.
Posible namang maisagawa ang face-to-face graduation sa pagtatapos ng school year subalit ito ay limitado pa rin at may mga panuntunan na dapat sundin.




