--Ads--

Hindi umano dadalo si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa anumang imbitasyon na ipadadala sa kaniya ng House Committee on Ethics and Privileges.

Sa isang social media post nitong Enero 28, tahasang inihayag ni Barzaga na hindi siya tutugon sa summon kahit pa i-expel siya sa kongreso. Ito ay matapos sabihin ni Committee Chairperson at 4Ps party-list Rep. JC Abalos na pormal nang inaksiyunan ng komite ang utos ng Kamara na muling imbestigahan ang kaniyang mga social media post.

Nauna nang sinabi ni Abalos na mino-monitor ng Ethics Committee ang mga privilege speech na isinagawa ng ilang miyembro ng National Unity Party, kabilang sina Negros Occidental Rep. Jeffrey Ferrer at Manila Rep. Rolando Valeriano, kaugnay ng mga bagong social media post ni Barzaga.

Magsasagawa ng pagdinig sa susunod na linggo ang House Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng panawagan na muling suspendihin si Barzaga kaugnay ng mga social media post nito habang pinagsisilbihan ang 60-araw na suspensiyon.

--Ads--

Si Barzaga ay pinatawan ng 60 araw na suspensiyon ng Kamara noong Disyembre 1, 2025 dahil sa “disorderly behavior” kaugnay pa rin ng kanyang social media posts.