--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaayon umano sa interes ng Pilipinas ang Reciprocal Access Agreement (RAA)  na nilagdaan ng Japan at Pilipinas.

Palalakasin ng naturang kasunduan ang military cooperation ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng palitan ng military drills and exercises sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at Japan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Former Integrated Bar of the Philippines President, sinabi niya na isa itong hakbang tungo sa tamang direksyon dahil kinakailangan ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa mga bansa na may interes sa rule of law at may kakayanang tumulong sa Pilipinas laban sa agresyon ng China sa West Philippin Sea.

Aniya, bagama’t dadaan pa ang naturang kasunduan sa Senado ay naniniwala siya na maaaprubahan ito dahil ang Liderato ng Senado ay pumapabor dito.

--Ads--

Paglilinaw naman niya na ang RAA ay hindi mutual defense treaty at hindi ito nangangahulugan na makikidigma ang Japan para sa Pilipinas sakaling may umatake sa bansa.

Mayroon man o walang kasunduan ay dati na anyang may tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas at mas lalo lang lalala ang aggression ng China kung nakikita nito na walang kakampi ang Pilipinas.

Ang pinaka-importante aniyang  paraan para matugunan ang isyu sa WPS ay sa pamamagitan ng diplomasiya at international pressure at hindi kailanman magiging solusyon ang giyera.