Muling namataan ang Philippine deer sa ilang bayan sa Marinduque matapos itong ituring na locally extinct sa loob ng ilang dekada, ayon sa Department of Environment and Natural Resources MIMAROPA (DENR Mimaropa).
Nakumpirma ng DENR ang presensya ng species sa loob ng Marinduque Wildlife Sanctuary matapos ang serye ng biodiversity monitoring, camera trap installation, at pinalakas na information campaign sa pakikipagtulungan ng mga lokal na komunidad.
Batay sa datos noong 2025, ilang sightings ang naitala sa iba’t ibang lugar, kabilang ang hindi bababa sa 10 indibidwal sa Barangay Makulapnit, Sta. Cruz. Mayroon ding bakas tulad ng footprints sa Boac, Marinduque at karatig na lugar, na nagpapahiwatig ng mas malawak na distribusyon ng hayop sa isla.
Gayunman, nananatiling banta ang illegal hunting, poaching, at pag-atake ng mga asong-gubat. Bilang tugon, pinalalakas ng Protected Area Management Board ang koordinasyon sa mga ahensya at lokal na pamahalaan, habang pinaigting din ang kampanya para sa pagsunod sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Ayon sa DENR Mimaropa, “Ang muling paglitaw ng Philippine deer sa Marinduque ay isang milestone sa konserbasyon at paalala ng kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan upang matiyak ang pangmatagalang kaligtasan nito.”





