CAUAYAN CITY– Itinuturing ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Ilagan City Police Station na fake news ang umiikot na balita sa barangay Bintacan, Ilagan City na umanoy nangingidnap ng mga bata na mga mangangalakal na nagbebenta ng sari-saring paninda sa mga barangay o ang mga nagtitinda ng biente-biente.
Inihayag ni Police Supt. Rafael Pagalilauan, hepe ng Ilagan City Police Station na wala pa namang naiuulat sa kanilang himpilan na dinukot ng mga nasabing mangangalakal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Police Supt. Warlito Jagto, Chief ng Police Community Relations ng IPPO na nagsagawa sila ng validation sa nai-post na babala sa isang facebook account ngunit wala pa namang nangyayaring pagdukot ng mga bata sa Isabela.
Sa kabila nito ay nanawagan si Supt. Jagto sa mga magulang na ingatan ang kanilang mga anak at huwag hayaang mag-isa lalo na sa mga malalayong barangay.
Inihayag pa ni Supt. Jagto na maging sa ibang mga lalawigan tulad ng Nueva Vizcaya ay mayroon ding kahalintulad na fake news na kumakalat sa nasabing lugar.




