CAUAYAN CITY – Pumalo na sa 1,800 na ektarya ng maisan sa Rehiyong Dos ang apektado ng mga peste pangunahin na ang Fall Army Worm.
Ito ay nasa 50% ng kabuuang 3,800 na ektarya ng maisan na na-monitor ng Regional Crop Protection Center sa Rehiyon para sa buwan ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Minda Flor Aquino, Center Chief ng Regional Crop Protection Center Region 2, sinabi niya ang lalawigan ng Isabela ng may-pinakamalawak pinsala dulot ng fall army worm na umabot 1,091 hectares, sinundan ng Quirino na may 669 hectares at Nueva Vizcaya na 75 hectares habang inaantay pa nila ang report mula sa lalawigan ng Cagayan.
Hindi pa matukoy sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga maisan ngunit tiniyak niya na aabot ito ng milyong piso.
Pinayuhan naman niya ang mga magsasaka na sampung araw pagkatapos makapagtanim ng mais ay dapat ng maglagay ng biological control agent sa mga pananim o mag-spray ng mga pesticides para agad na mapuksa ang mga peste.
Huwag na aniyang antayin pa na umabot sa hanggang tuhod ang laki ng mga mais dahil mahihirapan ng puksain ang mga peste dahil marami nang pagtataguan ang mga army worm.
Aminado naman siya na nakakatanggap sila ng ulat tungkol sa mga worm resistant na binhi na tinatamaan pa din ng peste.
Aniya, pinapatignan na nila ito sa mga kumpaniya ng binhi dahil maaaring kulang ang naihalo nilang gamot sa binhi para maging resistant ito sa peste.