CAUAYAN CITY – Naghanda ng programa ang Villaverde Police Station para sa paggunita ng pagkamatay ni PO2 Joel Bumidang Dulnuan sa Mamasapano encounter noong Enero 25, 2015 sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Si PO2 Bumidang ay 30 anyos, residente ng Ocapon, Villaverde, Nueva Vizcaya at nagtapos ng B.S. Criminology sa University of the Cordilleras at naging miyembro ng Philippine National Police (PNP) noong 2017.
Siya ay nakipaglaban din sa Zamboanga siege noong 2013 at kabilang sa mga ginawaran ng Medal of Heroism .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Oscar Abrojena, hepe ng Villaverde Police Station, sinabi niya na naghanda sila ng programa para sa paggunita ng kabayanihan ni PO2 Dulnuan.
Pinadalhan nila ng program ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) para dumalo sa paggunita.
Ang pamilya aniya ni PO2 Dulnuan ay naghanda rin ng aktibidad para sa paggunita.
Gumagaan umano ang pakiramdam ng pamilya Dulnuan sa patuloy na pagbibigay ng pugay sa katapangan at kagitingan ng kanilang kapamilyang pulis.
Ayon kay PCapt Abrojena, bukod sa pag-aalay ng mga bulaklak at panalangin ay bibigyan din ng 21-gun salute para sa pagkilala sa kabayanihan ni PO2 Joel Dulnuan.






