--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasikaso na ang pag-uwi sa Bacolod City, Negros Occidental sa bangkay ng isang farm laborer ng bio-ethanol plant na nasawi matapos mahulog sa lumang tulay sa Zone 3, San Mariano, Isabela.

Ang biktima ay si Sanny Boy Catacutan, 40 anyos, biyudo at residente Bacolod City, Negros Occidental.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt Rogelio Ignacio Jr. ng San Mariano Police Station, sinabi niya na nagtungo ang biktima kasama ang kanyang mga kababayan sa Pinacanauan River sa Zone 3, San Mariano, Isabela.

Matapos na maglaba ay nag-inuman sina Catacutan at mga kasama pagkatapos ay umakyat ang biktima sa lumang tulay upang patuyuin ang kanyang damit.

--Ads--

Nawalan ng balanse ang biktima sa kanyang pag-upo at nahulog sa 15 metro na taas ng tulay.

Tumama ang kanyang ulo sa bato na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sumaklolo ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMO) at ng mga kasapi ng San Mariano Police Station.

Isinugod nila sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon pa kay PSSgt Ignacio, matagal nang ipinagbabawal ang pagtambay sa nasabing tulay dahil mapanganib subalit marami pa rin ang nagtutungo roon.

Naiparating na sa pamilya ni Catacutan ang nangyari sa kanya at tumutulong na ang kompanyang nangangasiwa sa bio-ethanol plant para maiuwi ang kanyang bangkay sa Bacolod City.

Ang tinig ni SSgt Rogelio Ignacio