Nanawagan ang grupo ng mga magsasaka ng pagsisiyasat kaugnay sa mga paratang ni Zaldy Co laban kay First Lady Liza Araneta na umano’y sangkot sa importasyon ng bigas.
Una nang sinabi ni Co na may mga katiwalian sa importasyon ng bigas, kaya’t nanatiling mataas ang presyo nito kahit na ibinaba na ang taripa sa imported rice.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na bagamat malapit sa Pangulo ang mga idinadawit sa mga alegasyon ni Co, dapat pa rin itong siyasatin.
Nakakabahala aniya kung mismong mula sa First Family ang mga sangkot sa katiwalian sa importasyon ng mga agricultural products.
Partikular na tinukoy ng dating kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka na si Montemayor ang Anti-Economic Agricultural Sabotage Council na siyang dapat magsiyasat kaugnay sa usaping ito.
Matatandaan na ibinunyag ni dating Bicol Rep. Elizaldy Co si First Lady Liza Araneta-Marcos na umano’y nakialam sa mga imbestigasyon ng Kamara hinggil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022 at bigas noong 2024. Subalit hanggang sa ngayon, wala pang tugon dito ang Malacañang.
Sa pinakabagong bahagi ng kaniyang “tell-all” video series na inilabas nitong Miyerkules, iginiit ni Co na “personal na nanghimasok” ang First Lady sa mga pagdinig ng Kamara, umano’y upang protektahan ang kaniyang kapatid na si Martin Araneta, na nabanggit sa mga testimonya kaugnay ng krisis sa presyo ng sibuyas noong 2022.
Inakusahan din ni Co na may katulad na panghihimasok noong 2024, nang sumirit sa ₱60 kada kilo ang presyo ng bigas, dahilan para maglunsad ng imbestigasyon ang Kamara bago ang 2025 midterm elections.











