--Ads--

Duda ang ilang grupo ng mga magsasaka sa bansa sa mungkahing pagkakaroon ng Food Security Emergency for Rice.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raul Montemayor, Manager ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na naiintindihan naman nila ang plano ng Department of Agriculture na pababain ang presyo ng bigas ngunit duda sila sa hakbang ng ahensya para makamit ito.

Magdedeklara ang Department of Agriculture (DA) ng food security emergency para payagan ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng rice buffer stock sa mga ahensya.

Ito ay dahil sa pag-apruba ng National Price Coordinating Council  sa resolusyon na nagdedeklara ng food security emergency dahil sa patuloy na mataas na retail price ng bigas sa kabila ng pagbaba na ng presyo nito sa global market at pagbaba ng taripa.

--Ads--

Ang nais kasi ng DA ay diretso sa LGU at hindi na dadaan sa auction.

Ayon kay Montemayor, wala namang emergency tulad ng mga kalamidad para magkaroon ng kakulangan ng bigas.

Ang totoong nangyayari ay kinokontrol lamang ng mga gahaman at mapagsamantalang negosyante ang suplay.

Hindi aniya ito ang solusyon kundi dapat na habulin ng pamahalaan ang mga mapagsamantalang negosyante at huwag nang gumawa ng alanganing hakbang.

Hindi rin umano tiyak kung talagang mapupunta sa mga mahihirap na pilipino ang ilalabas na bigas ng NFA.

Tila pinapaikot na lamang ng DA ang batas upang umayon sa kanilang kagustuhan.

Maari kasing gamitin ng mga politiko ang ilalabas na bigas sa kanilang personal gains sa pamumulitika tulad ng paglalagay ng mga pangalan ng kandidato sa mga sako ng bigas na ibibigay sa mga mamamayan.