CAUAYAN CITY- Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ngayong araw ang grupo ng mga magsasaka kaugnay sa pagpapawalang bisa sa Executive Order 62 o ang pagpapababa sa taripa ng imported na bigas.
Nakiisa sa nasabing petisyon ang Federation of Free Farmers at Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na hindi dumaan sa tamang proseso ang naturang Executive Order dahil walang isinagawang pagdinig ukol dito.
Nakakapagtaka din aniya kung bakit walang farmers group ang ipinatawag gayong kinakailangang magsagawa ng public hearing alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.
Kapag aniya naging epektibo na ang pagbabawas sa taripa ng imported na bigas ay malalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil lalong bababa ang presyo ng palay at hindi din nito masosuluyunan ang mataas na presyo ng bigas sa merkado.
Sa ngayon na hindi pa epektibo ang naturang Executive Order ay marami na umano silang natatanggap na mga ulat na bumababa na ang presyo ng palay at mas nakakabahala aniya ito dahil may posibilidad na mas lalo pa itong bubulusok kapag naipatupad na ang tariff reduction.
Umaasa naman siya na agad na kikilos ang Korte Suprema kapag natanggap na nila ang petisyon para sa pagpapatupad ng Temporary Restraining Order o TRO.