Nangunguna ang sektor ng agrikultura o farming sector sa mga property owner na hindi pa nakakapagbayad ng real property tax sa Lungsod ng Cauayan, ayon sa City Treasurer’s Office.
Ito ay bunsod ng patuloy na paghina ng ani ngayong taon na labis na nakaaapekto sa kita ng mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Hemelita Valdepeñas, City Treasurer ng Cauayan City, hirap pa rin makabawi ang maraming magsasaka matapos ang sunod-sunod na hamon sa produksiyon katulad ng pabago-bagong panahon at pagtaas ng gastusin sa pagsasaka.
Dahil dito, mas inuuna ng mga farmers ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan bago ang pagbabayad ng buwis.
Ipinaliwanag ng City Treasurer na kapag hindi agad nabayaran ang real property tax sa itinakdang panahon ay may kaakibat itong penalty. Kabilang dito ang 25% surcharge sa kabuoang halaga ng buwis bukod pa sa 2% interest kada buwan sa hindi nababayarang halaga.
Ang interest ay maaaring umabot hanggang tatlumpu’t anim na buwan, kaya’t mas lumalaki ang kailangang bayaran habang tumatagal.
Dagdag pa nila, awtomatikong nagkakalkula ang penalty mula sa araw na lumampas ang due date ng pagbabayad. Ibig sabihin, habang patuloy na naaantala ang pagbabayad, patuloy ring nadadagdagan ang interest at surcharge na kailangang sagutin ng tax payer.
Gayunpaman, maaaring makinabang ang mga apektadong property owner lalo na ang farming sector sa real property tax amnesty na kung saan inaalis ang mga penalty at interest sa mga hindi pa nababayarang buwis na naipon bago ang July 5, 2024.
Sa ilalim nito, ang babayaran na lamang ay ang mismong principal na buwis na inaasahan na makababawas sa bigat na pinapasan ng mga magsasaka.
Hinihimok din ng opisina na makipag ugnayan sa kanila ang mga property owners lalo na ang nasa farming sector upang malaman ang eksaktong halaga ng kanilang buwis, at maiwasan ang mas mabigat na penalty.











