--Ads--

Matagumpay na nasungkit ng pambato ng Mexico na si Fatima Bosch ang pinakainaasam na korona sa grand coronation night ng Miss Universe na ginanap sa Impact Challenger Hall sa Nonthaburi, Thailand.

Tinalo ni Bosch ang 119 na kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang pambato ng Pilipinas na si Ahtisa Manalo.

Nakasuot ng isang napakagarang pulang cheongsam-inspired gown na may kapa, tinanggap ni Bosch ang korona mula kay Victoria Kjær Theilvig, ang reigning titleholder.

Siya na ang ikaapat na Miss Universe mula sa bansang Mexico.

--Ads--

Kasama rin sa selection committee si Andrea Meza, ang ikatlong Mexican Miss Universe winner, habang ang kasalukuyang MUO President na si Raul Rocha na may-ari ng kalahati ng organisasyon ay isa ring Mexican national.

Nakamit ng Thai beauty na si Praveenar Singh ang first runner-up position habang si Stephany Abasali ng Venezuela ang tinanghal na second runner-up.

Si Ahtisa Manalo naman at si Olivia Yace ng Côte d’Ivoire ang kinilalang third at fourth runners-up.

Si Manalo ay isang kilalang pageant veteran at batch mate ni 2018 Miss Universe Catriona Gray sa Binibining Pilipinas.

Noong 2018, lumaban siya sa Miss International kung saan nagtapos siyang second place.

Nagwakas ang koronasyon sa gitna ng mga kontrobersiyang bumalot sa edisyong ito ng Miss Universe sa Thailand, kabilang ang tensyon sa pagitan ng Miss Universe Organization (MUO) at ng Thai organizing team na pinamumunuan ni Nawat Itsaragrisil.

Ilang araw bago ang finals dalawang miyembro ng selection committee ang nagbitiw.

Si Omar Harfouch ay umatras dahil umano sa mga irregularities habang si Claude Makelele ay nagpasabing hindi makadadalo dahil sa unforeseen personal reasons.

Una rito, umani ng atensyon ang pag-walkout nina Bosch at ilan pang kandidata matapos ang mainit na pagtatalo nila ni Nawat sa ikatlong araw pa lamang ng pageant sa Bangkok—isang insidenteng umani ng malawakang suporta para kay Bosch dahil sa ipinakita niyang katapangan.

Ito na ang ikaapat na pagkakataon na nag-host ang Thailand ng Miss Universe pageant.

Inanunsyo naman na sa Puerto Rico gaganapin ang kompetisyon sa susunod na taon, na una nang nag-host noong 1971, 2001, at 2002.