Inilahad ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang listahan ng Top 10 ‘Most Complained” government agencies, batay sa ulat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag habang isinusulong ang paglalaan ng P519-milyong panukalang pondo ng ARTA para sa 2026. Ang ARTA ang pangunahing tanggapan ng gobyerno na responsable sa pagpapaikli at pagpapahusay ng mga proseso sa iba’t ibang ahensiya upang mas mapadali ang pagkuha ng serbisyo para sa mga mamamayan at negosyo.
Ayon sa senador, ang sampung ahensiyang may maraming reklamo ay ang mga sumusunod:
Food and Drug Administration (FDA)
Land Transportation Office (LTO)
Bureau of Internal Revenue (BIR)
Philippine Statistics Authority (PSA)
Land Registration Authority (LRA)
Social Security System (SSS)
Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund)
Securities and Exchange Commission (SEC)
Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)
Government Service Insurance System (GSIS)
Nilinaw ni Gatchalian na hindi layon ng paglalabas ng listahan na patawan ng kritisismo ang alinmang ahensiya, kundi upang magsilbing “wake-up call” upang ayusin ang kanilang serbisyo.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maganda na mayroong ganitong performance review para makita ng publiko at ng mga ahensiya kung saan dapat mapag husay ang serbisyo at ang kanilang mga proseso.
Ibinunyag din ni Gatchalian na nakapaghain na ang ARTA ng mga kaso sa Office of the Ombudsman laban sa 313 lokal na pamahalaan dahil sa paglabag sa Anti-Red Tape Law.
Ayon sa senador, patuloy ang pagtutok ng Senado upang masigurong mas mapapabilis at mapapabuti pa ang paghahatid ng serbisyo publiko ng mga ahensiya ng gobyerno.











