
CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng Saturation drive ang mga Regional Offices ng FDA North Luzon para masuri ang mga ibinebentang over the counter drugs tulad ng pang-lagnat at pang-ubo o sipon na ibinebenta sa mga sari sari store.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Director Gomel Gabuna ng FDA North Luzon Cluster na nagpapatuloy ang monitoring ng kanilang mga regional offices sa usapin ng pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari store na kailangan nang ipagbawal.
Inihayag ni Director Gabuna na sa Region 3 ay mayroon nang mga may-ari ng sari- sari store na binigyan ng kaukulang aksiyon makaraang magbenta ng mga over the counter drugs na binibili nila sa mga ahente.
Sinabi pa ni Director Gabuna na delikado ang pagbili ng mga naturang gamot dahil hindi matiyak kung ito ay tunay o expired.
Ang isang dahilan ng FDA kung bakit pinapayuhan ang mga mamamayan na bumili lamang sa mga rehistradong botika ay upang matiyak na hindi ito peke at maaari ding matanong sa Pharmacist kung ano ang mga dapat na inumin at kung ilan ang doses na dapat inumin.
Makakaapekto anya sa kalusugan ng isang tao kapag nagkaroon ng overdose sa pag-inom ng gamot dahil nakakasira sa internal organs pangunahin na sa Kidney at Liver.
Maari anyang maharap sa criminal aspect ang mga may-ari ng sari sari store na magbebenta ng mga gamot.










