--Ads--

Ibinahagi ni feng shui expert Master Hanz Cua ang inaasahang magiging kalagayan ng 12 zodiac signs batay sa Chinese astrology para sa taong 2026, kung saan binigyang-diin niya ang mga dapat paghandaan, iwasan, at pagtuunan ng pansin ng bawat animal sign.

Sinimulan ni Cua ang year of the rat na may hamon sa darating na taon dahil kalaban nito ang year of the horse. Hindi umano inirerekomenda ang paglipat ng trabaho at pagpapalawak ng negosyo. Pinayuhan ang mga kabilang sa rat na manatiling kalmado at magsuot ng Tai Suy cure tulad ng amulet, card, o bracelet upang makaiwas sa kamalasan at negatibong enerhiya sa 2026.

Para naman sa year of the ox, inilarawan itong isang magandang taon dahil sa malakas na charm at charisma. Magiging maayos din ang love life ng mga kabilang sa animal sign na ito.

Magandang taon din para sa year of the tiger lalo na sa usapin ng pag-ibig. Inaasahang mainam ang taon para magpakasal, pumasok sa bagong relasyon kung single, at magplano ng pagbubuntis kasama ang partner.

--Ads--

Sa year of the rabbit, aktibo umano ang money star kaya inaasahang dadaloy ang biyaya sa pananalapi. Inirekomenda ang paglalagay ng wealth God, money tree, o money frog sa southeast na bahagi ng bahay o negosyo upang mas mapalakas ang swerte sa pera.

Para sa year of the dragon, binigyang-diin ang kahalagahan ng long-term planning. Mainam umano ang paglalagay ng dragon lucky charm sa southeast direction para sa mas maayos na daloy ng swerte.

Katulad ng dragon, ang year of the snake ay inaasahang magkakaroon ng long-term success. Matatandaan na naging hamon ang nakaraang taon para sa snake dahil ito ang kalaban ng 2025.

Ang year of the sheep ay itinuturing na bestfriend ng year of the horse kaya maganda ang takbo ng taon para sa career enhancement, pagbubuo ng pamilya, at pagbubuntis. Pinayuhan din ang paglalagay ng horse lucky charm sa south direction ng living room. Gayunman, may posibilidad ng panlilinlang o scam sa pera kaya inirekomenda ang pagsusuot ng rhino at elephant evil eye bilang proteksyon.

Pinayuhan naman ang year of the monkey na maging mas maingat dahil posible ang mga isyu tulad ng scam, pagnanakaw, at pagtataksil. Inirerekomenda ang pagsusuot ng evil eye bracelet bilang panangga sa negatibong enerhiya.

Para sa year of the rooster, binalaan ang mga mahilig makipagtalo o magbitiw ng masasakit na komento online dahil maaari itong humantong sa alitan at hindi pagkakaunawaan. Inaasahang magiging prone sa gulo ang animal sign na ito kung hindi mag-iingat.

Magandang balita naman para sa year of the dog dahil inaasahan ang pagdami ng pera, career growth, at money expansion. Bilang kaalyado ng year of the horse, magiging paborable ang taon para sa sipag, determinasyon, at tiyaga, bagamat nakasalalay pa rin sa sariling pagsisikap ang tagumpay.

Samantala, ang year of the pig ay inaasahang makakaranas ng recovery sa taong ito. Pinayuhan ang mas pagsusumikap at pagbibigay-pansin sa kalusugan upang mas mapakinabangan ang mga oportunidad na darating.

VIA – BOMBO MARJORIE DELA CRUZ