
CAUAYAN CITY– Ipapamahagi sa Hulyo ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang fertilizer subsidy ng mga maliliit na magsasaka para sa 2022.
Ang mga benepisaryo ay ang mga magsasaka na unang nakatanggap ng inbred at hybrid seeds na nasa RSBSA at inasahang nakapagtanim na sa buwan ng Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na ang fertilizer subsidy ngayong 2022 ay mas mababa dahil inihain ang proposal noong 2021.
Ang para sa 2023 ay mas mataas na dahil nagawa ang panukalang pondo sa unang bahagi ngayong taon na mataas ang presyo ng abono.
May bagong guidelines aniya ang DA Central Office sa pamamahagi ng fertilizer subsidy sa Hunyo batay sa concerns ng labinlimang rehiyon ng bansa.
Samantala, ang bisa ng pondo para sa fertilizer subsidy noong nakaraang taon ay hanggang unang araw ng Hunyo 2022 ngunit humingi sila ng extension dahil mayroon pang hindi natapos na tiglilimang bahagdan para sa wet at dry season.
Nagkaroon aniya ng pagka-doble ng pangalan, mali ang spelling ng pangalan na kanilang pinalitan habang ang iba ay namatay na.
Sinabi ni Ginoong Edillo na kailangang sundin ang proseso at mapalitan o maitama ang nasa computer system.
Sa halip aniya na isauli ang pondo na nagpaso noong unang araw ng Hunyo ay humingi sila ng extension sa tanggapan ni Kalihim William Dar at hinihintay nila ang pag-sang-ayon ng Department of Budget and Management DBM.
Umaasa sila na malalaman na ang desisyon sa susunod na linggo para magamit pa rin ang natitirang pondo para sa mga benepisaryo ng fertilizer subsidy na naitala noong 2021.










