Hiniling ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng Department of Agriculture na magsagawa ng malawakang imbestigasyon kaugnay sa umano’y maanomalyang procurement ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura tulad ng mga traktora, binhi ng palay, abono, at iba pa na nagkakahalaga umano ng bilyon-bilyong piso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers, sinabi niyang matapos matanggap ni Secretary Laurel ang kanilang kahilingan ay agad itong nag-utos ng masusing imbestigasyon hinggil sa mga iniulat na katiwalian.
Nanawagan din ang grupo kay Sen. Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, na magsagawa ng pormal na pagdinig upang mapaharap ang mega opisyal ng DA at maipaliwanag ang isyu sa harap ng publiko, lalo na ng mga magsasaka.
Ayon pa kay Montemayor, kung may naisagawa mang audit ang Commission on Audit (COA), dapat itong ilabas at ipakita sa publiko lalo na sa mga magsasaka dahil malaking halaga ng pera ang sangkot. Aniya, nararapat lamang na matiyak ang wastong paggamit ng pondo, lalo’t pinalaki ang badyet ng agrikultura sa halos ₱300 bilyon na inaprubahan ng Kongreso para sa 2026.
Dagdag pa niya, may mga ulat umano ng overpricing at panghihingi ng kickback sa pagbili ng mga kagamitang pang-agrikultura. Sa ilang kaso, lantaran umano ang pangongolekta ng ilang opisyal, na nagpapakita ng posibleng katiwalian sa pamamahagi ng pondo para sa mga magsasaka.
Ukol naman sa mga farm-to-market road projects na pinondohan ng DA sa ilalim ng superbisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi niya na ayon sa ulat ng COA, may ilang lugar na dapat sana’y napondohan at naitayong kalsada, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring naipapatupad na proyekto. Ito ay nagdudulot ng kawalan ng maayos na transportasyon para sa mga magsasaka at nakakaapekto sa kanilang kita at kaligtasan sa pagdadala ng ani.
Patuloy na nananawagan ang naturang grupo ng transparency at pananagutan upang matiyak na napupunta sa tamang proyekto ang pondo para sa sektor ng agrikultura.











