CAUAYAN CITY – Bibigyan ng award ng Regional Training Center (RTC) 2 ang isa nilang Field Trainee Police (Ftp) na unang nag-viral sa social media matapos buhatin at itawid sa lansangan ang isang matandang lalaki na hirap maglakad sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ikinatuwa ni Regional Training Director P/Supt. Michael Cruz ng RTC 2 ang ginawang kagandahang-loob ng isa nilang FTP na si PO1 Richard Anquillano, 23 anyos, residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Naitaas umano ni PO1 Anquillano ang level ng pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ng isang pulis.
Dahil dito ay nakatakda silang gumawa ng isang resolusyon para kilalanin at purihin ang ginawang kabutihan ng nasabing Field Trainee Police.
Ayon pa sa naturang opisyal, pinatunayan lamang ni PO1 Anquillano ang mandato ng training center sa buong bansa na i-develop ang disiplina at ugali ng pagiging isang pulis.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PO1 Anquillano, sinabi niya na hindi siya makapaniwala na nakuhanan ng larawan ang kanyang ginawang pagtulong sa matanda.
Batay sa kuwento ni PO1 Anquillano, hindi ito ang unang beses kundi palagi niyang tinutulugan ang matanda tuwing siya ang naka-duty dahil nakikita niyang nahihirapan at laging nag-iisa.
Ang matanda ay residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya at namamalimos sa lansangan na nasasakupan ng Bambang.
Nagpahayag ng pasasalamat si PO1 Anquillano sa kumuha ng larawan dahil hindi niya ito inaasahan.
Hinikayat pa ni PO1 Anquillano ang kapwa niya FTP na gumawa lamang ng tama bilang kanilang mandato na maglingkod sa publiko.




