Kinumpirma ni Pangulong Bongbong Marcos noong Linggo ang pagkamatay ni Mary Ann Velasquez De Vera, isang overseas Filipino worker (OFW) mula Pangasinan, na nasawi sa Israel kasunod ng lumalalang kaguluhan sa rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na si De Vera, isang caregiver, ay namatay habang sinusubukang iligtas ang kanyang alaga sa gitna ng kaguluhan. Inihayag ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni De Vera at tiniyak na magiging buo ang suporta ng gobyerno sa kanila.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga Filipino sa buong Gitnang Silangan at nakahanda silang tumugon sa anumang pangangailangan ng mga ito habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.
Matatandaan na una nang inatasan ng Pangulo ang Department of Migrant Workers (DMW) para tukuyin ang kinaroroonan ng mga kababayan sa mga apektadong lugar matapos magsagawa ng air strikes ang Estados at Israel sa Iran.










