CAUAYAN CITY- Tanging si 2- time Olympic Gold Medalist Carlos Yulo lamang ang nakibahagi sa inorganisang meet and greet ng Embahada ng Pilipinas sa France para sa mga Atletang Pinoy na sumabak sa Paris Olympics 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Dick Villanueva na bagama’t mag-isa lamang ni Yulo na dumating sa meet and greet ay nagagalak pa rin ang mga Pinoy na nagtungo roon para masilayan ang atleta.
Kasama namang dumating ni Yulo sa Embahada si Senator Francis Tolentino kung saan hindi naman inasahan ng mga naroon na makikibahagi rin sa pagtitipon ang naturang Senador.
Hindi umano nakadalo ang ilang mga atleta dahil ang ilan ay kasalukuyan nang naghahanda sa kanilang pag-alis habang ang iba naman ay nakauwi na ng Pilipinas.
Nagdaos naman ng Misa ang Filipino Catholic Mission sa France na pinangunahan ni Fr. Leo Balager kung saan inalayan din nito ng dasal si Yulo.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Filipino Communities na makausap at makakuha ng litrato kasama ni Yulo.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Yulo na dalawang medalya ang nasungkit niya sa Olympics.
Sa panayam kay Carlos Yulo, sinabi niya na nagpapasalamat siya sa lahat ng sumuporta sa kaniyang kampanya sa Paris Olympics.
Taos puso rin aniya ang kaniyang pasasalamat sa Panginoon dahil pinagkalooban siya ng mga taong handang umagapay sa kaniya sa pagharap nito sa mga hamon ng buhay.