--Ads--

BAHRAIN – Nagkuwento ng kanyang kakaibang karanasan ang isang Filipino Nurse  na nagsilbing Musical Director at isa sa mga orginista sa ginanap na Papal Mass sa Bahrain.

Inihayag ni Bombo International News Correpondent Dennis Lester Blas na nang sabihan siyang  maging  Musical Director at organist sa  Holy Mass ni Pope Francis sa Bahrain National Gymnasium  ay sobrang kasiyahan ang kanyang naramdaman.  

Pakiramdam niya ay na-bless siya nang makita at nagsilbi siya sa Papal Mass ng Santo Papa sa Bahrain.

--Ads--

Hindi lang siya kundi ang mga kasamang Pilipino sa Simbahan ang halos umiyak at naging emosyonal dahil nasilayan nila ang Santo Papa.

Napakasaya anya ng kanyang pakiramdam nang mapili siyang nanguna sa pagtugtog sa Papal Mass na kanyang itinuturing na pinaka-highlight sa kanyang pagsisilbi at paniniwala sa Panginoon.

Bago siya nagtungo sa ibang bansa ay sampung taon siyang nagsilbi sa Our Lady of The Pillar Parish Church sa Lunsod ng Cauayan hanggang sa mangibang bansa siya.

Noong nagtungo siya sa Bahrain taong 2018 bilang Nurse ay nagsilbi na rin siya kaagad sa Sacred Heart Catholic Church sa Manama, Bahrain.

Sinabi niya na, sa mahigit isang daang umawit sa Papal Mass ay halos walumpu rito ay mga Pilipino.

Habang sila ay umaawit at nasa kanilang harapan  ang Santo Papa na pinapangunahan ang banal na misa ay hindi niya maipaliwanag ang kanyang naramdaman at napaiyak siya sa kasiyahan.

Gustuhin man anya nilang  lapitan ang Santo Papa ay naging mahigpit ang seguridad na ipinatupad ng mga awtoridad.  

Maging ang mga nagsilbi sa simbahan at dumalo sa misa na pinangunahan ng Santo Papa ay kinuhanan ng mga personal na impormasyon ng mga awtoridad.