CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng fire drill ang isang malaking mall dito sa Lungsod ng Cauayan kung saan mga babae ang karamihan sa nakiisa rito.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng National Womens Month at Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Sa isinagawang drill, nagkaroon ng alarm ang buong mall kaugnay kunwaring nagaganap na sunog.
Agad na lumabas ang mga kalahok sa drill at nagtungo sa mga evacuation area sa tulong ng mga marshals.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating ang hanay ng Bureau of Fire Protection upang apulahin ang sunog na nangyayari.
Sa drill, may indibwal din na nagkunwaring suspek sa sunog na siya namanng dinakip ng mga tauhan ng Cauayan City Police Station.
Dumating ang mga kasapi ng Rescue 922 upang tugunan ang mga kunwaring nasaktan sa nangyaring sunog.
Idineklara naman ng BFP Cauayan na fireout ang sunog bago magsibalik ang mga nakiisa sa fire drill sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Incident Commander Anna Villahermosa, mahalaga ang ganitong drill para maging handa ang bawat isa sakaling magkaroon ng sunog.
Aniya, mahalaga rin na malaman ng bawat kababaihan kung paano ang tamang paggamit ng fire extinguisher sakaling may sunog.