Nasangkot sa aksidente ang isang fire truck na reresponde sana sa isang Sunog sa Barangay Dappig, San Agustin, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ranilo Bumagat, sinabi niya na nakatanggap ng ulat ang Bureau of Fire Protection – San Agustin na mayroon umanong sunog na malapit sa Dorganda National High School subalit nang rerespondehan na nila ito ay nawalan ng preno ang fire truck at nabangga ang isang bahay.
Ligtas naman ang tsuper at ang dalawang bumbero na lulan ng naturang fire truck at wala ring nadamay sa insidente.
Hindi naman kalayuan ang rerespondehan ng mga ito subalit palusong ang daan.
Batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa BFP-San Agustin, lagi naman umano nilang sinusuri ang kanilang mga fire trucks at iyon lamang ang unang pagkakataon na nagkaproblema sa preno ang isa sa mga ito.
Ayon kay PMaj. Bumagat, naapula rin kaagad ang sunog na kanila sanang rerespondehan matapos magtulungan ang mga residente sa pag-apula ng apoy.
Nagpaalala naman siya sa publiko na ugaliing suriin ng mabuti ang mga sasakyan bago bumaybay sa mga kakalsadahan upang maiwasan ang aksidente sa daan.











