--Ads--

Nagsagawa ng inspeksyon ang Firearms and Explosive Sections (FES) ng Regional Civil Security Unit 2 sa mga bilihan at fireworks centers sa rehiyon bilang bahagi ng paghahanda ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. John Paul Collado ng FES–Regional Civil Security Unit 2, sinabi niya na sa kanilang ginawang inspeksyon ay may isang vendor sa Tuguegarao City ang nahuli na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa pamamagitan ng online selling.

Sa kabila nito, iginiit ni PCapt. Collado na maituturing pa ring compliant ang karamihan sa mga fireworks vendor sa rehiyon dahil sumusunod ang mga ito sa itinakdang panuntunan ng pamahalaan hinggil sa pagbebenta at pag-iimbak ng paputok.

Aniya, una nilang binisita ang mga lungsod ng Santiago, Roxas, at Cauayan dahil dito unang nagbukas ang mga fireworks center, habang may ilang bayan naman na hindi pa nagbubukas ng kanilang mga tindahan ng paputok.

--Ads--

Tiniyak ni Collado na tuluy-tuloy ang kanilang inspeksyon hanggang Disyembre 31 upang masiguro na sumusunod ang lahat ng vendor sa mga alituntunin, at upang makaiwas sa anumang hindi kanais-nais na insidente kaugnay ng iligal at delikadong paputok.

Dagdag pa niya, kabilang sa agarang hakbang ng Firearms and Explosive Sections laban sa mga vendor na nagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ang pagkumpiska ng mga ito at ang pagsasampa ng kaukulang kaso alinsunod sa umiiral na batas.