--Ads--

Bumaba ng 55 porsiyento ang bilang ng mga firework-related injuries sa Cagayan Valley ngayong holiday season kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aisha Rowena A. Arce, Senior Health Program Officer ng DOH Region 2, umabot na sa 18 firecracker injuries ang naitala hanggang alas-6 ng umaga ng Disyembre 28 mula sa iba’t-ibang health facilities kabilang ang DOH hospitals, provincial at city health offices, at district hospitals, kabilang na ang CVMC sa Tuguegarao City at SIMC sa Santiago City.

Mas mababa ito kumpara sa 40 na kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa 18 kaso, 14 ay lalaki, at 8 insidente ang nangyari sa lansangan. Karamihan ay nagtamo ng blast o burn injuries na walang amputation, habang dalawa ang may eye injury at isa ang nagtamo ng blast at burn injury na may kasamang amputation. Ang 56% ay mula sa lalawigan ng Isabela.

Batay sa datos ng DOH, karamihan sa mga biktima ay nasa 12 taong gulang. May ilan ang nadamay lamang dahil nasa paligid ng nagpapaputok. Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng injury ay ang mga paputok tulad ng whistle bomb, piccolo, five star o triangle, kwitis, boga, at iba pang paputok.

--Ads--

Ayon pa sa DOH, nakatulong ang patuloy na paalala at information drive kaya mas naging health-conscious at maingat ang publiko. Hinihikayat ang mga pamilya na gumamit ng alternatibong paraan ng pagdiriwang tulad ng mga ligtas na noisemakers sa bahay at iwasan ang paputok, lalo na para sa mga bata.

Patuloy namang pinaigting ang alert status ng mga ospital sa rehiyon habang pinapaalalahanan ang publiko na gawing ligtas ang pagdiriwang ng holidays sa tamang pag iingat, malusog na pamumuhay, at pag-iwas sa paputok.