--Ads--

Nagsimula nang magtayo ng mga firecracker stall sa lungsod ng Cauayan bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season.

Ayon sa ilang gumagawa ng stalls, noong nakaraang linggo pa lamang ay nagsimula na silang magsukat at magbungkal ng lupa na pagtatayuan ng mga ito.

Kahapon naman ay sinimulan na rin nila ang paglalagay ng mga tolda bilang harang at pananggalang sa mga ipinatatayong puwesto.

Inaasahan na sa mga susunod na linggo ay maaari nang gamitin ang mga stalls para sa aktwal na bentahan, depende sa bilis ng pagtatayo at pagproseso ng mga kinakailangang permit ng mga vendors.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Francis David Barcellano, City Fire Marshal, sinabi nitong umabot sa 16 na vendors ang puspusan nang nag-aasikaso ng kani-kanilang mga permit simula pa noong December 1.

Ayon kay Barcellano, mahigpit na tinitiyak ng kanilang hanay na kumpleto at valid ang mga dokumentong isinumite ng mga vendors, kabilang na ang permit mula sa Business Permits and Licensing Office (BPLO), bago sila bigyan ng Fire Safety Clearance.

Matapos maaprubahan ang mga permit, magsasagawa rin ng pagpupulong ang BFP kasama ang mga vendors upang bigyan sila ng mga paalala sa mga dapat at hindi dapat gawin, partikular na sa wastong paghawak at pag-display ng mga firecracker.

Dagdag pa niya, magsasagawa rin ang BFP ng inspeksyon sa lahat ng firecracker stalls sa oras na magsimula na ang aktwal na bentahan upang masiguro ang pagsunod sa safety protocols at maiwasan ang anumang insidente.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat at sumunod sa mga patakaran sa pagbili at paggamit ng paputok, lalo na’t papalapit na ang pagsalubong sa pasko af Bagong Taon.